March 22, 2014
Indak ng Puso
Gagalaw.
Sa pagtunog ng speakers, lahat ay gagalaw. Para bang muling bumangon sa hukay ang aming natutulog na diwa. Ang isang mananayaw ay parang isang puppet na kinokontrol ng speakers, kusang gumagalaw ang aming katawan kapag narinig na namin ang kanta. Ang pag-ibig ay parang pag-sasayaw, sa pagtatagpo ng dalawang magkaibang mundo, may parang apoy na biglang sumiklab na magdudulot ng isang nag-aalab na damdamin, na sa kalaunan, ay kokontrol na sa atin.
Magkaiba ang mundo namin ni Pao, bagamat kami ay pinagbubuklod ng pag-sasayaw, hindi kami pareho ng mga pananaw sa buhay. Naniniwala ako na minsan lang dumating ang tunay na pag-ibig, para sakanya naman, lahat ng kaniyang inibig ay minsang naging kaniyang tunay na pag-ibig, ngunit kinuha ng tadhana. Sumusunod ako sa mga alituntunin, sinusuway naman niya ang mga ito. Gusto ko maglakad, gusto niya tumakbo. Gusto niya libutin ang buong mundo, gusto ko manatili sa aking kinatatayuan. Malakas ang loob niya, ako naman ay duwag. Marami kaming hindi napagkakasunduan, ngunit kapag tumunog na ang speakers at marinig na namin ang isang kanta, biglang nagsasabay ang indak ng aming puso.
Nagkakilala kami sa isang dance workshop noong 2010. Akala ko isang ordinaryong summer break lamang iyon, hindi ko alam na makikilala na pala ng aking puso ang matagal na niyang inaantay. Madalas ako mainis sakanya dahil lagi na lang niya ako ginugulo sa facebook, sa text at maski habang ako’y sumasayaw. Nagulat na lang ako na isang araw, noong tumugtog ang aming speakers, bigla din tumibok ang aking puso. Siya na lagi ang hinahanap ng aking mga mata at nilalapitan ng aking mga paa. Kapag andiyan siya, para akong kinokontrol ng speakers na sumayaw palapit sakanya.
Hihinto.
Kahit huminto na ang speakers at nagpapahinga na kami, hindi pa din mawala ang pagod na aking nararamdaman. Hindi biro ang pagsayaw, kailangan mo ibigay ang buong puso mo at iparamdam sa mga nanonood na madali lang ang iyong ginagawa kahit sugatan ka na.
Hindi ko alam kung bakit sa isang iglap, bigla na lang din huminto ang pagtibok ng puso niya para sa akin. Sa loob ng isang taon at tatlong buwan ng aming pagsasama, akala ko siya na ang una at huling lalaki na makakasama ko sa aking buhay. Ang pagsasayaw ang dahilan ng paggalaw ng aming puso patungo sa isa’t-isa, at ito rin ang naging dahilan ng paghinto nito. Parang kailan lang ay naglalakad pa kami at pinapanood ang mga bitwin sa langit, sabay pa kami nangangarap, umiiyak, tumatawa at matindi pa ang pagmamahalan namin para sa isa’t isa. Sabay kaming umiindak, pero ngayon, ako na lang mag-isa ang sumasayaw. Wala na ang dating karamay ko sa hirap at ginhawa na dulot ng pagsasayaw.
Huminto na ang kanta, ngunit ang pag-ibig ko para sakanya ay patuloy pa din ang pagindak. Kadalasan kapag humihinto na ang speakers, lahat ay magpapahinga at aantayin itong tumugtog ulit, pero hindi ako huminto. Naniniwala ako na ang isang mananayaw ay patuloy ang pag-sayaw kahit gaano na kapagod, dahil alam namin na masasanay kami mapagod at titibay ang aming stamina kapag nagpatuloy kami. Ganoon din ang pag-ibig, kahit masakit na at nararamdaman natin ang pagdurog ng ating puso, patuloy pa din tayong nagmamahal dahil sa kalaunan, masasanay na tayo sa sakit na dulot nito. Lalakas tayo, titibay, at matututong umindak ulit.
Gagalaw, hihinto.
Ang pagsasayaw ay may sinusunod na bilang. Mabilis ang indak, biglang babagal. Minsan ay bigla na lang din ito hihinto. Nakakalito na minsan dahil paiba-iba ang galaw at pilit itong isinasabay sa kanta kahit parang hindi na naaayon.
Minsan mahal ko siya, minsan hindi. Kapag nakikita ko siya dumaan sa harap ko na para bang isa lamang akong estranghero, naiinis ako. Alam ko na hindi ko na siya pwedeng mahawakan o makausap, ngunit minsan ay pinipilit ko dahil umaasa ako na baka sakaling may maganda itong maidulot. Paiba-iba ang aking nararamdaman, hindi ko alam kung sadyang magulo ang aking isip o baka pinipilit ko na lamang ang aking sarili na mahalin siya at buhayin ang kaniyang ala-ala para sumaya ako muli.
Ang isang mananayaw, hindi sumusuko hangga’t hindi nakukuha ang tamang galaw. Minsan nga ay hindi ako makatulog kapag alam ko sa aking sarili na hindi ko pa naisasapuso ang sayaw. Pero matapos ang isang matinding ensayo, para akong nanalo sa lotto. Hindi ko maipaliwanag ang saya na nadudulot sakin ng aking pag-sayaw, sadyang may mga bagay talaga sa mundo na hindi naipapaliwanag. Ngunit sa pag-ibig, minsan kailangan na sumuko dahil mayroon ding mga bagay na hindi talaga magtutugma kahit ipilit pa natin ito.
Hihinto, gagalaw.
Hihinto ako kapag hindi ko na kaya, pero gagalaw ulit at pipilitin kayanin. Buhay ko na ang pagsasayaw, kahit huminto na ang speakers, hindi ibig sabihin ay hihinto na din ako. Nasa puso at isip ko na ang kanta, hindi ko ito maalis kaya’t sinasabayan ko ito ng pagindak. Ang speakers ay isa lamang instrumento na pinanggagalingan ng kanta, pero ang isang tunay na mananayaw ay marunong magsapuso ng kanta at ng galaw.
Lahat tayo ay umaabot sa punto na susukuan na ang pag-ibig at matatakot nang magmahal ulit. Lahat tayo ay nasasaktan at nasusugatan pero habang tumatagal, unti-unting naghihilom ang mga sugat na naiwan sa ating puso. Tayo ay muling babangon, gagalaw, iindak muli at magmamahal. Ang bawat sakit na ating naramdaman, ay may katumbas na panibagong kaligayahan na parating. Bagamat hindi kami ni Pao ang magkasamang sumayaw hanggang sa aming huling hantungan, alam ko sa aking sarili na sa paglipat ng panibagong kanta sa aming speakers, ay mayroon ding darating na bago na sasayaw kasama ko. At sa kaniyang pagdating, isang puso na namatay at muling nabuhay para magmahal muli ang kaniyang makakasama sa pagindak patungo sa isang masaya at panghabambuhay na pagmamahalan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment